Nakakita ka na ba ng multo?

Sabi ng Mamang ko, nagsimula daw akong makakita ng mga hindi normal na elemento nung limang taong gulang pa lang ako. May isang araw na bigla daw akong may tinuturo sa may kusina namin. Umiiyak daw ako habang tinuturo ko yung lalakeng nakatayo daw sa kusina. Ang sabi ko daw, maitim ito, mahaba ang balbas at malaking tao. Mahigit dalawampung taon na ang nakalipas pero hindi ko naman maalala ang tagpong iyon. Pero mas malinaw sa aking alaala ang mga karanasan ko nung ako’y nasa elementarya at hayskul.

Noon, nakatayo pa ang matandang bahay dito sa amin. Iyon ay itinayo nuong 1945. Noong nabubuhay pa ang Amang at Inang, kaming magpipinsang babae ay doon natutulog na magkakatabi. Isang malaking salas ang tinutulugan namin noon. Iyon naman ay kadugtong ng isa pang malaking sala rin na ginawa na rin tulugan ng lolo at lola ko. Malalaki ang bintana at sa tabi noon ay may mesang ginagawa nilang kapehan sa umaga.

Tuwing alas kwatro, bumabangon ang Amang, dederetso sya sa bayan para bumili ng pandesal. Pagkatpos ay uuwi at dadatnan na niyang gising ang Inang at sabay silang magkakape. May isang madaling araw na ako ay naalipungatan. Sigurado akong nasa alas dos at alas tres ang mga oras na ‘yon dahil patay pa ang lahat ng ilaw at ramdam kong tulog pa ang Amang at Inang. Mula sa hinihigaan ko ay tanaw ko ang mesa kung saan sila nagkakape. Nung mga oras na ‘yon ay may nakita akong hugis tao, matandang babae ito na nakabelo. Tumayo sya sa upuan at naglakad ngunit bigla rin naglaho. Takot na takot ako nuon kaya nagtalukbong na lang ako ng kumot, nagdasal at nagsumiksik sa katabi ko. Kinabukasan ay sinabi ko sa Inang yon, pinakita nya sa akin ang litrato ng Anda Pinang. Sya ang ina ni Amang. Nagulat ako nang makita kong iyong iyon ang hugis ng damit na nakita ko. Yung belo at yung saya nyang suot, iyon na iyon. Lalo akong natakot nuon. Sinabihan an alng ako ng Inang na magdasal ng magdasal para hindi ako matakot.

May isang hapon naman, sa ibabang bahagi ng matandang bahay, may isang malaking salamin na katapat ng pinto sa likurang bahagi ng bahay. Siguro ay nasa alas sais ang mga oras na yun dahil pasilim na. Habang ako ay nagsasalamin, nakita kong may dumaang tao sa likuran ng bahay nguint ang kinatakot ko ay nang maisip kong sino naman ang magsusuot ng malagatas na kulay ng pantalon. Siguradong sigurado ako sa nakita ko. Sinabi ko agad ito sa nanay ko. Natatawa lang syang sabi na nagparamdam daw sa akin ang Anda Along. Siya naman ang ama ng Amang. Mahilig daw kasi magsuot ng puting pantalon na paparisan din ng puting pang itaas. Pinakita pa sa akin ang lumang litrato na tugma naman sa nakita ko.

Isang gabi naman na natutulog kami sa matandang bahay, nagising ako ng alanganing oras. Siguro ay mga alas dose at ala una yun. Dahil patay ang lahat ng ilaw, iniiwan naming bukas ang isang bintana para pumasok ang liwanag mula sa ilaw ng poste. Napatingin ako sa bintana at ako’y nagtaka kung bakit gabing gabi na ay may babaeng nakatayo doon. Sa tantya ko ay dalaga pa ito. Matagal ko syang tinitigan dahil inaaninaw ko ang kanyang mukha. Hanggang bewang lang ang nakikita ko sa knya ngunit siya ay nakasuot ng puti, mahaba ang itim nyang buhok at medyo nakayuko sya. Habang tinititigan ko ang baabeng ito ay saka ko lang naisip na nasa itaas na bahagi kami ng bahay kaya kung nakatayo man ito sa labas at mga tatlong tao ang katumbas ng taas niya. Doon na ko kinilabutan, (hanggang ngayon, habang sinusulat ko ito ay ramdam ko ang takot) naisip kong hindi normal na tao ang nakikita ko. Agad akong nagtalukbong ng kumot at nagsumiksik sa katabi ko. Isa ito sa pinaka nakakatakot na naranasan ko.

Kakatapos lang ng araw ng mga kaluluwa at halos lahat kaming magpipinsan ay nasa matandang bahay. Mag hahapunan na nuon pero wala pa rin ang Papang ko. Kaya naman hinihintay namin sya ng mga oras na yun. Mula sa pintuan sa salas ay tanaw mo ang paraan na papunta sa bahay namin. Medyo madilim ito dahil nyong araw ay natatabingan ng punong bayabas ang liwanag mula sa poste.

Habang abala ang lahat sa kani kanilang ginagawa ay napatingin ako sa paraan, kitang kita kong may lalakeng dumaan. Nakatingin pa nga ito sa akin. Malago ang itim nyang buhok. Kasing taas ng Papang ko. Nakatingin sya sa akin habang naglalakad sa paraan. Kaya tinawag ko na ang Mamang ko para umuwi kami dahil dumating na kako si Papang. Ngunit, sabi ni Mamang ay kakagaling nya lang sa bahay wala pa raw si Papang. Kaya duon na ako naghisterikal. Umiyak ako ng umiyak at tinatanong ko sila kung sino ang nakita kong dumaan na lalake at nakatingin pa sa akin. Maya-maya pa ay dumating na nga si Papang, nagpagupit pala ito ng kalbo kaya malabong siya ang nakita ko. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa amin kung sino yung lalake na nagpakita nung gabing yon.

Taong 2005 naman ng mamatay ang Amang dahil sa atake sa puso. Nakaburol pa lang ang Amang ay nagpaparamdam na ito sa amin. Isang gabi na nakahiga na kami ng Tita ko, habang kami ay nagkwekwentuhan ay may kumatok ng tatlong beses mula sa pintuan namin. Pareho namin itong narinig ngunit hindi na lang namin pinansin. Kinabukasan ay wala naman nakapagsabi na sila yung kumatok nung gabing iyon. Isang pagkakataon pa habang nakaburol ang Amang, katabi kong natutulog si Mamang. Balisa ako at hindi ako makatulog. Pabiling biling ako nang higa. Nang tingnan ko ang oras ay alas dos pa lang ng madaling araw. Maya-maya pang konti ay may naramdaman akong kumalabit sa paanan ko. Ngunit wala naman tao sa paanan ko. Kaya naisip kong baka nagpaparamdam ang Amang sa akin.

Nailibing na ang amang, nagluluto naman ako ng hapunan. Napahinto ako ng marinig kong tinawag nya ako. Nagtatakbo ako at hindi na ko nagpatuloy ng pagluluto sa sobrang takot ko. Hindi ko alam kung bakit lagi syang nagpaparamdam sa akin. Pati sa mga panaginip lagi rin sya ang nakikita kong humahabol sa akin at pinipilit nya na sumama ako. Mabuti na lang at hindi talaga ako sumasama sa kanya sa mga panaginip ko haha!

May isang pagkakataon naman na nasa opisina ako. Kakain na kami sa pantry at usap usapan noon ang isang aksidente kung saan kasama ang ilan sa mga empleyado ng kompanya namin. Hindi ko sila personal na kilala kaya nakikinig lang ako sa usapan nila. Papalapit kami sa pantry nang may napansin akong isang lalakeng puno ng benda sa leeg at kamay. Naisip ko, napaka committed naman ng taong ‘toh, pumasok pa kahit na bali-bali yung parte ng katawan. Di ko na sya pinansin at nagtungo ako sa mga pagkain upang pumili na ng kakainin. Pag lingon ko ulit sa lalakeng nakabenda ay wala na ito. Naisip ko, ang bilis naman nyang makaalis. Pero hindi ko na pinansin ang isiping iyon. Kinabukasan ay pinakita ng mga kasama ko ang litrato ng empleyado namin na nakasama sa aksidente. At walang duda na sya ang nakita ko sa pantry. Hay.. pinagdasal ko na lang na sana matahimik ang kaluluwa niya sa biglaang pagkamatay niya.

Marami pang mga eksena nang pagpaparamdam, tulad ng mamatay si Papang. Pagkatapos niyang mailibing ay nagka inuman kaming magpipinsan. Isang bote ng ala ang sinimulan namin. Pero nalalasing na kaming lahat, hindi pa rin nangangalahati ang bote. Kaya naisipan naming magsindi ng kandila at mag alay ng isang basong alak. Pagkatapos nuon ay naging normal na ang inuman namin. Ngunit napansin lang namin na nanuupos ang kandila nang walang kapatak patak sa lupa. Wala rin tulo sa gilid ng mismong kandila. Mula noong mamatay si Papang ay may mga nararamdaman kaming naglalakad sa paraan at sumusutsot. Hindi na lang namin ito pinapansin dahil matatakot lang talaga kami.

Isang pagkakataon pa ang nangyari kamakailan lang. Nag aayos kami doon sa matandang bahay nila Kimpee. Isang Birthday Surprise iyon sa Tatay nya. Madilim ang salas para hindi mahalata ang ginagawa namin pagdating nila. Doon ay nakita kong may nakatayong lalake na itim ang pantalon. Nabigla ako pero dahil medyo sanay na rin ako. Naisip kong nakakita na naman ako ng kaluluwa. Maaring lolo ito ni Kimpee na nagmaamsid sa ginagawa namin.

Huling kwento na. Sa matandang bahay pa rin nila Kimpee. Isang gabi na nakatambay kami doon, kwentuhan lang pagtapos ng hapunan. May napansin akong dumaan na babaeng nakasuot ng sayang itim. Sinabi ko agad kay Kimpee yin at agad namang sinang ayunan ng Tatay nya na may nagpapakita nga raw na baabeng naka itim na saya dun. Hindi naman nila makompirma kung sino ang babaeng iyon.

Sabi nila, hindi totoo ang mga multo. Dahil kung totoo daw ang multo, ibig sabhin may kaluluwa rin ang mga damit. Dahil pag nakita natin ang mga multo ay nakadamit pa rin sila. Ang sabi naman ng ilan, ito ay mga gawa ng masasamang espiritu na ang intensyon lamang ay matakot tayo.

Sa mga naranasan ko mula ng bata pa ako, masasabi kong hindi lang ito kathang isip lamang. Nakita ko ito at naramdaman. Malinaw na malinaw pa rin sa mga alaala ko ang mga karanasang ito na ipinagdadasal kong sana ay tantanan na ako ng mga kaluluwang ito dahil mahirap. Mahirap ang mabuhay nang may nakikita kang hindi nakikita ng ibang tao.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Blog at WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: